Pancho Kit Del Mundo -
[45] Terenz Dimagiba
Pinunasan ko ang aking noo pagkatapos ko mahila nang maayos ang lambat ng mga isda sa laot. Tinignan ko ang papalubog na araw sa harap at tipid na nangiti sa aking sarili. Sa malayong parte ng dagat ay tanaw ko na sina Tatay dala rin ang mga huli nila. Hindi ko maipagkakaila na na-miss ko ang buhay rito.
"Aba'y si Terenz nga! Kailan ka pa nakauwi, ijo?"
Napatingin ako sa aking gilid nang makita ang asawa ng isa sa mga kasamahan ni Tatay na mangingisda na si Aling Neneth. May hawak siyang bilao sa kaniyang gilid at natanto ko kaagad na galing siya sa paglalako. Wala na ring lamang iyon. Sa kaniyang may binti ay nakakapit sa kaniyang bestida ang kaniyang mahiyaing anak.
"Noong isang araw lamang po, Aling Neneth. Pahinga lang po ng isang linggo bago bumalik para sa pag-aaral," paliwanag ko.
"Aba'y hindi kaagad kita namukhaan kanina! Medyo pumuti ka at pumogi, ah! Nadaanan ko ang mga dalaga rito kanina sa atin, nagbubulong-bulungan tungkol sa iyo. Roon ko nalaman na umuwi ka nga. Iba talaga kapag nag-Maynila na. Masaya ako para sa iyo, ijo. Nakapag-aral ka rin doon," masaya niyang papuri sa akin.
Nahihiya naman akong napakamot sa aking batok sa mga narinig. Ganoon din kasi ang sinabi nina Nanay nang makita ako ulit. Epektibo yata ang mga pinamili ni Sir Ellie sa akin noon. "Salamat, Aling Neneth."
Kamakailan nga ay umuwi ako rito sa isla namin. Matapos ang nangyari sa Maynila, kaagad akong pinuntahan at kinausap ni Ninong. Kasama ko noon si Nanay at dahil hirap pa akong kausapin, halos si Nanay Matilda ang nagkwento ng lahat. Ani nga rin ni Ninong ay nakita niya rin ang balita at ako kaagad ang naisip.
"Alam kong nasaktan ka sa nakita mo, anak. Pero hindi naman agad maari na husgahan natin ang nakita lamang natin iba pa rin ang may paliwanag si Pancho rito..." si Ninong.
Bahagya akong tumango sa sinabi niya. Totoo naman kasi iyon, hindi maaari na ang nakita lang naming lahat ang basehan. Ngunit, sa tingin ko ay kailangan muna namin ito sa aming relasiyon. Hindi rin kasi maipagkakaila na kaagad kaming pumasok ni Kit sa isang relasiyon. Hindi ko rin sigurado kung tuluyan na rin siyang nakalimot sa kaniyang nakaraan. Sa ngayon, heto muna ang desisyon ko.
"Naiintindihan ko po, Ninong. Pero sa ngayon, kailangan muna siguro naming makapag-isip-isip na dalawa habang malayo sa isa't isa. Kung talaga ngang sigurado na kaming ipagpatuloy ang aming relasiyon, pag-uusapan din namin iyong ng magkaharap. Sa ngayon, nais ko po munang umuwi sa amin. Kina Nanay at Tatay."
Nagkatinginan sila ni Nanay Matilda at Ninong bago sabay na tumango sa isa't isa. Tumingin ulit sa akin si Ninong at ngayon ay nakangiti na siya.
"Naiintindihan ko, Terenz. Ako na ang bahala na ipaalam ka sa eskwelahan niyo na mawawala ka ng isang linggo. Humabol ka na lamang pagbalik," aniya. "As for Pancho, I'll explain everything to him once he get back tomorrow. I am expecting he'll get angry that you left though. Naniniwala ako na mahal ka ng anak ko, ijo. I know, because he's my son. At kung may ipupusta man ako, iyon ay pupuntahan ka niya at ibabalik sa puder niya no matter what it takes."
Tila sirang plaka na nagpaulit-ulit ang sinabi na iyon ni Ninong sa aking utak. Kung totoo man o hindi, mainam pa rin na bahagya muna kaming magkalayo. Sabi nga, dalawa lamang daw iyan: We grow together or we grow apart. Nang araw na umuwi ako sa isla, labis na nagulat sina Nanay. Anila ay hindi raw kaagad ako nagsabi na uuwi. Nang magtanong sila kung bakit, sinabi ko na lamang na pinagbakasiyon ako ni Ninong. Hindi pa ako handa na sabihin sa kanila ang totoo. Hindi pa sa ngayon.
Ang cellphone ko nama'y pinatay ko pagkarating dito. Si Kayin lang naman ang napagsabihan ko ng totoo at hindi ko maatim ang distraction habang narito ako sa isla para makapag-isip-isip at magnilay. Sa ngayon, baka nasabi na rin ni Ninong sa kaniya ang lahat. Hindi maipagkakaila na umaasa ako na pupunta nga siya rito, ngunit naiisip ko rin na baka sa ngayon, nakapag-isip-isip na rin siya.
"Anak, wala ka pa ring kupas sa pamimingwit. Akala ko'y mababawasan na ang galing mo at hindi mo na ito ginagawa sa Maynila," biro ni Tatay habang kinukuha namin ang mga isda sa lambat at nilalagay sa aming mga balde.
Planning your weekend reading? Ensure you're on 05s.org for uninterrupted enjoyment. The next chapter is just a click away, exclusively available on our site. Happy reading!
Ngumiti na lamang ako sa kaniya at umiling.
"Aba'y matindi ang pinagbago nitong anak mo, Renzo! Dati ay patpatin lamang, ngayon medyo may laman na at pumuti. Aba'y rinig ko'y maraming dalaga kaagad rito ang pinag-uusapan ito," sabi ng kasamahan ni Tatay na kasama namin sa paghati ng mga isda.
"Ay naku, pwede na mag-asawa ang anak mong iyan at nasa edad na rin!"
Napalunok ako sa narinig. Nakita ko na umiling si Tatay at tumawa.
"Naku, mga pare, kay Terenz na ang desisyon na iyon. Siya ang makapagsasabi kung handa na siya." Lumingon sa akin si Tatay at bahagya akong siniko. "Wala ka bang nabingwit doon sa Maynila? Kaya siguro pumogi ka, anak." Pagak akong natawa lalo pa noong nakisabay sa kantiyawan ang mga kabaro niya. Masaya ako nang sinabi ni Tatay na sa akin ang desisyon, pero hindi ko alam kung masisiyahan sila kung malaman nila ang desisyon ko. May nabingwit naman po ang anak niyo, kaso hindi magandang sirena kung hindi poging sireno. Hindi na lamang ako sumagot at baka iyon pa ang masabi ko.
"Tatay! Kuya!" Boses iyon ni Buboy.
"Oh, sinusundo na yata kayo ng mag-ina ninyo. Teka, mukhang may kasama?"
Sabay kaming napatayo nang tuwid ni Tatay mula sa pagkayuyuko at tinignan ang paparating na sina Nanay at Buboy. Masayang kumakaway si Buboy sa amin habang si Nanay ay malapad ang ngiti. Pakiramdam ko ay tumigil ang tunog ng tubig sa dagat at nawala lahat ng tao sa paligid nang makita ko ang tao na nakasunod sa kanila.
"Teka... sino iyang binata sa likod ng Nanay mo?"
Nakalagay ang dalawa niyang kamay sa kaniyang mga bulsa at ang kulay abo niyang mga mata ay kaagad na tumama sa akin. Walang makikitang tuwa sa kaniyang mukha, tanging kaseryosohan lamang. Ang sinag ng panghapong liwanag ay mas nagpatingkad sa kaniyang kagwapuhan. Nang makalapit na sila, hindi namin inalis ang aming paningin sa isa't isa. Pakiramdam ko ay kaagad akong maiiyak makita pa lamang ang kaniyang mukha.
Heto na ba ang sinasabi ni Ninong?
"Renzo, dinalaw tayo ng anak ni Domingo!" impit na sabi ni Nanay kay Tatay bago nangingiti na sumulyap kay Kit.
"Good afternoon, Sir." Tumingin siya kay Tatay bago ulit sa akin. "I am here to get back what's mine."
If you find any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.
Report