Pancho Kit Del Mundo -
[50] Terenz Dimagiba
Lumipas ang mga araw sa buhay ko na puro na lamang tuwa at saya. Mayroon mang hindi ganoon kasaya, pero nasisiguro ko sa inyo na abot langit na ang kaligayahan ko ngayon sa buhay. Parang kahapon lang ang lahat. Noon, ako lang ang simpleng Terenz Dimagiba. Taga-isla, taga-probinsiya, mahirap o pauper daw sabi ni Pancho Kit Del Mundo. Ngunit ngayon? Ako pa rin si Terenz Dimagiba, ngunit ibang-iba na sa dating simpleng Terenz lamang.
"Anak! Naku, mabuti naman at nakahanap ka ng oras na dumaan sa kabila ng pagiging busy mo," tuwang-tuwa na bati ni Nanay sa akin.
Mabilis akong yumakap at humalik sa pisngi ni Nanay habang dala ko ang mga supot ng cupcake na ako mismo ang gumawa. Sumunod ring lumabas sa gate si Tatay akay ang bagot na namang si Buboy. Iba na talaga kapag nagbininata na. Dati bungi lang 'tong batang 'to, ngayon naririnig ko'y pumuporma na sa kanto. Natawa ako sa naisip.
"Nay, kayo pa po ba? Makalimutan ko na lahat, huwag lang kayo," paglalambing ko.
"Asus! Masasabi mo pa kaya iyan kapag may sariling pamilya ka na?"
Kaagad na nag-init ang magkabila kong pisngi sa narinig. Si Nanay talaga! Sinabi kong wala pa sa plano namin ni Kit iyon at pareho pa kaming busy sa mga trabaho namin. Naku.
"Hay naku, pumasok na lamang tayo at nang makain na natin iyang dala ng anak mo," singit ni Tatay.
Nawala ang pagkabagot ng kapatid ko at nakangisi na kinuha ang mga dala ko. Alam kaya ng mga nililigawan niya na ang takaw ng isang 'to?
"Nice! Salamat, Kuya. Pwede ba magtabi ng iba? Bigay ko lang kay Juliana," taas-baba ng kilay niyang saad.
Tinaasan ko rin siya ng mga kilay.
"Aba, parang noong isang araw lang Alexa ang narinig kong nililigawan mo, ngayon iba na naman? Ikaw Buboy, ha? Kapag narinig ko lang na may pinaiyak ka...." banta ko.
"Sila nga ang sinasaktan ako, eh! Mga paasa!"
Natawa kami nang mabilis siyang tumakbo sa loob ng bahay namin habang nakanguso. Oo, bahay namin. Ang pinakauna kong pinagawa mula sa aking pagsisikap at pawis. Nakalulungkot man na iwan ang kabuhayan namin sa isla, masaya naman akong naibigay ko kina Nanay ang masagana at mas maginhawang buhay ngayon. Alam niyo ba na sa una kong sweldo, sa Jbee ko sila dinala? Walang katumbas na pera ang nakita kong saya sa mga mukha nila noon. Masaya kong tinanaw ang tahanang aking pinaghirapan nang maramdaman ko ang mga braso na yumakap sa akin mula sa likod. Tiningala ko si Kit na nasa tabi ko na at masaya rin siyang nakatingin sa akin. Alam ko na higit sa lahat, siya ang pinakamasaya sa mga narating ko at sa mga mararating ko pa. Nag-iinit ang puso ko dahil lagi siyang nandiyan sa tabi ko.
"I love you," bulong niya.
Kuntento akong bumuntonghininga at sumandal sa kaniya.
"Mahal na mahal din kita."
Naroon pa rin ako nakatira sa mansiyon ni Kit kasama nina Nanay Matilda na retired na sa pagiging mayordoma. Ayaw naman ni Kit na malayo si Nanay sa amin kaya roon na rin nakatira sa amin ang pamilya niya at ang panganay nitong babae na ang bagong mayordoma. Maniniwala ba kayo kung sasabihin kong umiyak si Kit nang sinabi ni Nanay na uuwi na siya sa probinsiya nila? Kaya wala na ring nagawa si Nanay Matilda noon kung hindi dalhin ang buo niyang pamilya rito sa Maynila.
"Sir, everything is set," sabi ng sekretarya ko sa akin.
Nakangiti akong tumango sa kaniya kahit sa katotohanan ay kabado ako ngayong araw. Kahapon lang nang sinabi nina Nanay sa akin na magiging ayos lang ang lahat, ngunit ngayong narito na, parang malalaglag ang puso ko. Sana maging ayos nga lang talaga ang lahat.
"Anak." Tumingin ako kay Nanay at nakangiti siyang tumango sa akin.
Hawak ang gunting sa isa kong kamay ay tumingin pa muna ako sa paligid. Sabi ni Kit ay ma-li-late raw siya. Pero naandito na sina Ninong at Ate Maia, bakit siya ay wala? Saan ba siya pumunta? Lagot talaga 'yun mamaya sa akin. "Ready?" the cameraman asked at sumeniyas akong handa na.
Katabi ng mga taong importante sa akin ay ginupit ko ang ribbon na nakatali sa bagong narating ko ngayon. Opisiyal ko nang binuksan ang sarili kong negosyo. Isa iyong café at ako mismo ang isa sa mga baker dito. I wanted to be hands-on with this one. Isa na namang achievement para sa akin.
"Congratulations, anak!"
"Congratulations, Terenz!"
"Congratulations, Sir!"
Sabay na bati sa akin ng lahat. Mga taong malalapit sa buhay ko lamang ang narito pati ang mga bagong hired kong empleyado. Ngunit ang pinakaimportante sa lahat ay wala pa rin. Kaya nang pumasok na kami sa loob ng café ay nakabusangot pa rin ang mukha ko. Dapat masaya ako, eh! Kaso nakatatampo. Ang ganda ng usapan namin na dalawa kaming gugupit ng ribbon!
"Terenz, anak. Diyan ka lang sa gitna," boses iyon ni Tatay.
Sa kaiisip ko kay Kit ay hindi ko na napansin na nasa gitna na pala mismo ako ng café habang lahat sila ay nakatabi. Anong nangyayari? Tinignan ko silang lahat at makahulugan silang nakangiti sa akin habang si Nanay ay umiiyak na sa tabi ni Tatay. "Na-"
Naputol ang sasabihin ko nang may bultong lumabas mula sa kusina ng café. Nagulat ako at natutop pa ang mga kamay sa aking bibig. Nakasuot siya ng uniporme ng isang chief at sa kamay ay hawak niya ang isang platito na may maliit na chocolate cake! Nahihiya siyang hinimas ang kaniyang batok.
"Sorry kung hindi kita sinamahan sa ribbon-cutting, babe. I was busy with this one." Kinagat niya ang ibaba ng kaniyang labi sabay lapit sa akin. "Don't worry, nagpaturo ako sa mga empleyado mo."
Tinignan ko naman ang mga empleyado kong sumaludo kay Kit. Ano ba 'to? Anong nangyayari?
"Ano ba kasi 'to?" kunyari ay inis kong tanong.
Inilapit niya sa akin ang cake na tila pinapahiwatig na kainin ko iyon. Kumunot ang noo ko.
"Eat this first."
Nagdududa ko siyang tinignan kaso mas nilapit niya lang ang cake sa akin. Ang mga nakapaligid sa amin ay pinipilit din ako. Dahil kyuryoso na rin ako ay nag-slice rin ako roon sabay subo agad. Hindi ko inalis ang paningin ko kay Kit. Pinakatitigan niya ako ng maigi, hindi ko alam kung bakit mukhang kabado rin siya. Well, infairness, masarap ang cake, ah? But then... unti-unting nalukot ang mukha ko nang may matigas akong nakagat. Takot at kaagad kong kinuha iyon sa aking bibig at pagkatapos ay tumambad sa akin ang isang gold na singsing na may mga chocolate!
"Wait, ano 'to?" gulantang kong tanong kay Kit na tila nakahinga na nang maluwag.
Inabot niya ang ilang hibla ng buhok sa gilid ng aking tenga, pagkatapos ay malamlam ang mga mata na ako ay tinignan.
"I've been waiting for this day and I'm still willing to wait in front of the altar for you." Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan ang likod noon. "Terenz, babe, my pauper, will you walk down on the aisle for me?"
Nanubig ang mga mata ko nang makuha ko na ang nangyayari. Sinapok ko siya sa dibdib kung kaya ay natawa siya.
"Paano kung nalunok ko 'to?" Nangibabaw ang tawanan sa paligid. "Hindi na kita paghihintayin nang matagal. Bibilisan ko ang lakad papunta sa harap ng altar."
Ngumiti siya nang kaylapad na halos mawala na ang mga mata niya. Mabilis niyang hinawakan ako sa batok at nagtagpo ang aming mga labi. Sobrang tamis, lasang chocolate. At nasisiguro ko na mas tatamis pa iyon kapag nasa harap na kami ng altar.
Hindi na ako makapaghintay. Magiging si Terenz D. Del Mundo na ako.
If you find any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.
Report