The Billionaire's Baby Maker (TAGALOG) -
CHAPTER Twenty Four
"Sinasabi ko na nga ba!"
Agad akong ngumiwi matapos marinig ang malakas na boses ni Manang Lerma. Sinenyasan ko siyang tumahimik dahil baka magising pa ang ibang mga tao sa bahay. Pasado ala-una na ng madaling araw kaya naman kanina ko pa napatulog sina Jarvis at si Ma'am Chantal. Tutulog na rin sana ako para naman makapagpahinga ako ngunit tila ayaw namang magpahinga ng utak ko.
Humugot ako ng malalim na buntong hininga at sumimangot. "Manang Lerma, hindi naman kasi ganoon iyon. Iba naman 'yong sinasabi niyo sa tinutukoy ko," reklamo ko.
"Anong magkaiba? Aba, sabi mo kaya sa akin ay niyayaya kang makipag-date! Naku! Sa panahon namin, kapag may nag-aaya sa aming mag-date, ay aba'y ipinagpapaalam pa kami sa tatay namin kahit na kami'y matatanda na. Oh 'di ba? Buti nga ngayon ay hindi na iyon ginagawa dahil nako, pahirapan pa namang papayagin ang mga magulang lalo pa't babae ang anak."
Umiling ako bilang tanda ng hindi pagsang-ayon sa sinabi niya. "Manang, hindi naman ho kasi date na karaniwang date ang tinutukoy ni Sir Preston. Date na ano ho... na kasama niya sa party ganoon. 'Yon ho ang tinutukoy ni Sir, Manang," pagpapaliwanag ko.
Agad na nagtagpo ang kilay ni Manang Lerma at animo'y sinusubukang intindihin ang sinabi ko. Matapos ang ilang segundo ay napatango siya na para bang naintindihan na niya kung ano ang ibig kong sabihin.
"Ah, kasama lang naman pala," mahinang sambit niya. Tumango ako at akmang magsasalita na para sumang-ayon sa kaniya pero naunahan na niya ako sa pagsasalita. "Eh 'di ba ganoon din naman 'yon?" Sumimangot ako at isinubsob ang aking ulo sa lamesa. "Manang naman, hindi kasi ganoon..."
"Sus, parang ganoon na rin 'yon. Sa party ba rito sa Linggo ang tinutukoy mo? Eh madali lang naman pala 'yon, hindi niyo na kailangan pang mag-kotse-kotse para makarating sa pupuntahan niyo. E 'di kapag ayaw mo na, pumasok ka na sa kuwarto mo saka magkunwaring masama ang pakiramdam mo."
Nanliit ang mga mata ko matapos marinig ang sinabi niya. Oo nga, ano?
Sabi naman ni Sir Preston, magpanggap lang ako na girlfriend niya tapos ayos na. Hindi niya naman sinabing magpanggap akong girlfriend niya buong gabi. Napakamot ako sa aking ulo dahil pakiramdam ko naman ay hindi ako tutupad sa pinag-usapan namin kapag bigla na lamang akong nawala o kapag nagsinungaling ako sa kaniya.
"Hindi naman ako bagay sa mga party-party na 'yan, Manang."
Malakas na bumuntong hininga si Manang Lerma at tumigil sa paghuhugas ng pinggan bago lumingon sa direksyon ko. "Lyana 'neng, maganda ka. Aba, e nagtatanong nga sa akin ang ibang kasambahay dito kung may ibang lahi ka ba dahil hindi naman pang-normal na Filipino ang mukha mo. Kung hindi pa nga sinabi sa akin ni Jasrylle na parehong Filipino ang nanay at tatay mo, hindi ako maniniwala, e."
"Pinaglihi lang talaga ako sa mga taga-ibang bansa, Manang, pero wala naman akong ibang lahi," paglilinaw ko.
"Oh, kahit na wala ka namang ibang lahi, maganda ka pa rin naman. Sus. Tinatanong nga rin ng ibang driver diyan sa mga kapitbahay ang pangalan mo kasi nakikita ka nila sa labas. Buti na lamang at sinabi kong may anak ka na kaya wala na silang pag-asa sa 'yo."
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sinabi ni Manang Lerma at marahang tumango sa kaniya. Mabuti na lamang talaga at hindi niya sinabi sa mga iyon na single ako dahil kung hindi...
"Nasermonan pa nga ni Sir Preston ang mga iyon kaya tumigil na."
Agad akong napalingon sa gawi ni Manang Lerma matapos marinig ang sinabi niya. Hindi na siya nakatingin sa akin at abala nang muli sa paghuhugas ng pinggan kaya naman humugot muna ako ng lakas ng loob bago ko siya tanungin. Baka kasi mamaya ay magtunog umaasa ako kaya't ikinalma ko muna ang aking sarili.
"Sermon ho, Manang? Bakit ho?" pag-uusisa ko pa.
Kaswal na nagkibit balikat si Manang Lerma. "Ayaw daw magseryoso sa trabaho at nasa 'yo ang atensiyon kaya 'yon at napagalitan ni Sir Preston. Sus, selos lang 'yon, 'no."
Ilang beses akong napakurap habang iniisip kung bakit sinermonan ni Sir Preston ang mga iyon. Eh ano naman kung interesado sa akin ang mga lalaking iyon, 'di ba? Single naman ako saka...
Dali-dali akong umiling at muling bumuntong hininga. "Baka ho gusto niya na magseryoso at mag-focus lang din ako sa trabaho. Alam niyo naman ho na anak niya ang inaalagaan ko kaya baka nga ho ganoon," tanging sabi ko sa kaniya. Peke akong umubo at umayos ng upo nang humarap siya sa akin. Itinigil niya ang ginagawa at sa halip ay pinanliitan ako ng mga mata. "Ayaw mo lang aminin na type ka ni Sir Preston," panunukso niya pa.
Napailing na lamang ako dahil alam ko na kung saan nagmana si Jasrylle. Akala ko noong dumating ako rito ay istrikta si Manang Lerma pero hindi pala. Kung sabagay, sino pa nga ba ang pagmamanahan ni Jasrylle?
"Ay nako, Manang. Basta hindi ako interesado sa mga ganiyan. Saka boss ko si Sir Preston. Ano na lamang ang iisipin ng iba, 'di ba? Na ginagamit ko si Sir Preston? At saka imposible rin naman ho 'yang sinasabi niyo na type ako ni Sir. May anak na ho ako saka tingnan niyo nga, wala akong kayos-ayos sa katawan_"
"Hindi naman halata na may anak ka na, ano ka ba naman, 'neng? Aba, mukha ka pa rin kayang dalaga sa lagay mo na 'yan," pagputol niya sa sasabihin ko.
Napalabi ako. "Manang, trenta na ho ako. Hindi na ako bata para sa mga ganyan-ganyan."
"Kaya nga! Hindi ka na bata, aba. Kung ako sa 'yo, lalarga na ako at maghahanap ng mapapangasawa. Huwag kang tumulad sa akin na tumanda nang dalaga." "May anak naman ho ako," giit ko pa ngunit umiling lamang siya.
Ngayon ko lamang nalaman na matandang dalaga pala si Manang Lerma. Kaya siguro hindi pa rin siya nagreretiro at nandito pa rin sa mansion ng mga Tejada. Wala naman pala siyang ibang pamilya.
"Saka kahit naman hindi ka nag-aayos, maganda ka naman. Hindi mo na kailangan pang mag-ayos. Saka ano naman kung may anak ka na? Hiwalay na naman siguro kayo ng asawa mo, 'di ba?" "Wala ho akong asawa, Manang," pagtanggi ko.
"E 'di yong tatay na lamang ni Jarvis," pagtatama niya at mahinang tumawa. Napailing na lamang ako at akmang susubsob na sa lamesa nang may maalala ako.
"Manang, matanong ko lang ho..."
Peke akong umubo bago ko siya seryosong tiningnan. Muling tumingin sa akin si Manang Lerma at tinaasan ako ng kilay na para bang sinasabing ituloy ko na kung ano ang dapat kong sabihin sa kaniya.
"Hindi naman ho sa nagiging tsismosa ako o ano pero..." Kinagat ko ang aking ibabang labi habang nag-aalangan kung itatanong ko pa ba sa kaniya ang bagay na iyon. Mula kasi nang magtrabaho ako sa bahay na 'to, palagi nang pumapasok sa isip kong magtanong pero hindi ko naman magawa dahil baka kung ano na lamang ang isipin ng ibang tao kapag tinanong ko sa kanila.
Kumunot ang noo ni Manang Lerma. "Ano bang itatanong mo? Mahalaga ba 'yan? Sikreto?"
"Mula ho kasi nang dumating kami ni Jarvis dito, sina Ma'am Chantal at si Sir Preston lamang ang narito. Medyo matagal-tagal na rin kami rito pero hindi pa rin namin nakikilala ang ano..." Bumuntong hininga ako bago napalunok. "Ang asawa ho ni Sir Preston. Nasaan na ho ba siya?"
Natigilan si Manang Lerma matapos marinig ang tanong ko kaya naman hindi ko mapigilang kabahan at mas lalo pang kainin ng kuryosidad. Hindi rin kasi binabanggit ni Ma'am Chantal ang tungkol sa nanay niya at wala ring kahit na anong litrato nito sa bahay-tanging sina Ma'am Chantal at Sir Preston lamang ang naroon.
"Hindi naman po sa nakikialam ako o ano. Curious lang talaga ako, Manang," mabilis na dagdag ko nang hindi pa rin ako sagutin ni Manang Lerma.
Malakas siyang bumuntong hininga. "Ang asawa ni Sir Preston-" "Manang Lerma."
Kapwa kami naestatwa ni Manang Lerma sa puwesto namin nang nanuot sa aking tainga ang malamig na boses na galing sa hindi kalayuan. Marahil ay narinig niya ang pinag-uusapan namin kaya naman hindi ko mapigilang mapangiwi. Bakit naman sa dami ng pagkakataon na puwede niyang marinig ang pinag-uusapan namin, bakit ngayon pa?
Lumingon si Manang Lerma sa gawi ni Sir Preston na ngayon ay naglalakad na papunta sa puwesto namin. Agad naman akong nag-iwas at nagbaba ng tingin dahil sa labis na kahihiyan. Iisipin niya na nga talaga siguro na tsismosa ako dahil pati ang bagay na iyon ay pinapakialaman ko pa.
"S-Sir?" Bakas sa boses ni Manang Lerma ang kaba at takot niya kaya naman mas lalo kong diniinan ang pagkagat sa aking ibabang labi.
Naramdaman ko ang presensya ni Sir Preston mula sa aking likuran kaya naman tuluyan na nga akong naestatwa sa aking kinauupuan. Ni wala akong lakas ng loob na lumingon at bumati sa kaniya dahil aatakihin yata ako sa puso dahil sa labis na kaba.
"Sinabi ko na ho sa inyo na may dishwasher naman at hindi niyo na kailangan pang magligpit ng mga 'yan," kalmado ngunit malamig na puna ni Sir Preston kay Manang Lerma. "Iwan niyo na ho 'yan diyan at pumasok na ho kayo sa kuwarto niyo at matulog."
Ilang beses na napakurap si Manang Lerma dahil sa sinabi ni Sir Preston ngunit agad din naman siyang sumunod. Sa halip na iwan ay siya na mismo ang naglagay ng mga natitirang hindi pa nahuhugasan na pinggan sa dishwasher. Matapos niyon ay naghugas na siya ng kamay at inalis ang suot na apron.
Pekeng umubo si Manang Lerma at napakamot sa kaniyang ulo bago niya ako sinulyapan. "L-Lyana, tara na," pag-anyaya niya.
Akmang tatayo na sana ako para sumunod sa kaniya ngunit naunahan na ako ni Sir Preston. "No. She'll stay here. May pag-uusapan kaming dalawa."
Gusto ko mang itago ngunit agad akong napangiwi nang marinig ang sinabi niya. Ineexpect ko na naman na sesermonan niya ako pero umasa pa rin ako na kahit papaano, hindi na niya papansinin pa ang sinabi ko. Pero sabagay, hobby niya nga yata ang sermonan ako kaya't hinayaan ko na lamang.
Tumingin muna sa akin si Manang Lerma na para bang tinatanong kung ayos lamang sa akin ang maiwan ngunit wala naman akong nagawa kung hindi ang suklian siya ng tipid na ngiti. Matapos niyon ay nagpaalam na si Manang Lerma kay Sir Preston at dali-daling nagtungo sa maid's quarter.
Nang makaalis si Manang Lerma ay agad na pumunta sa harap ko si Sir Preston kaya't kinakabahan akong napalunok lalo pa nang magtagpo ang aming mga mata.
"It's almost two AM, Miss Dela Merced. Why are you still here?"
"Kasi ano Sir uhm... hindi ho ako makatulog. S-Saka iinom sana ako ng tubig t-tapos nakita kong nagliligpit pa rin si Manang Lerma kaya ano... s-sinamahan ko na, oo ganoon nga," kinakabahang paliwanag ko sa kaniya.
"At kasama sa pagsama mo sa kaniya ang pangingialam mo sa buhay ko?"
Natahimik ako sa tanong niya. Tama naman siya. Lihim akong bumuntong hininga at nagbaba ng tingin. "P-Pasensiya na ho, Sir," mahinang sambit ko.
"Don't you ever talk about that woman again or else, I'll fire you, understand?"
Hindi ako kaagad nakasagot. Base sa paraan ng pagtawag niya sa pangalan ng asawa niya, hindi ko na kailangan pa ng sagot ni Manang Lerma. Mukha ngang naghiwalay na sila ng asawa niya.
Marahan at nahihiya akng tumango bilang sagot sa tanong niya. "P-Pasensiya na ho ulit. Hindi na mauulit, pangako. A-Ano... s-sadyang na-curious lang ako kasi h-hindi ko siya nakikita saka walang bumabanggit sa pangalan niya sa bahay kaya hindi ko na napigilan pa ang sarili ko na magtanong tungkol sa kaniya. Sorry."
Nagpakawala siya ng malakas na buntong hininga at nang mag-angat ako ng tingin sa kaniya ay hinihilot na niya ang kaniyang sintido. Sa pagkakataong iyon, saka ko lamang napansin na hindi na pala siya nakasuot ng salamin at hindi na rin nakapang-opisina na damit. Naka-sando at sweatpants lamang siya at magulo ang buhok na animo'y nanggaling na sa tulog.
"Siguraduhin mo na hindi na mauulit pa ang nangyari ngayon. Kahit na gaano ka pang kaayos na Yaya ni Chantal, I won't tolerate that behavior. Do you understand me, huh, Miss Dela Merced?"
Lumunok ako at muling tumango. Hindi ko alam kung saan ko ibabaling ang mga bata ko nang tumingin siya sa akin at salubungin ng titig ang aking mga mata.
"S-Sorry talaga. Hindi ko naman kasi alam na bawal pala saka na-curious lang talaga ako "
"And do you think I'm not?" pagputol niya sa sasabihin ko kaya't taka akong nag-angat ng tingin sa kaniya. "Do you think I'm not curious about Jarvis father? Your husband? I am, too. But I never asked you."
Ilang beses akong napakurap habang nakatingin sa kaniya dahil sa labis na gulat. Curious siya sa tatay ni Jarvis? Pero.... Bakit naman?
"Sir, wala nga akong asawa," giit ko.
Umigting ang panga niya bago siya nagpakawala ng malakas na buntong hininga. Wala sa sarili naman akong napalunok dahil sa ginawa niya. Akala ko ay kakalma na ako ngunit mas lalo pang bumilis ang tibok ng puso ko nang muli siyang tumingin sa gawi ko at nakipagsukatan ng titig sa akin.
"Enough with this topic. Sana ay nagkakalinawan tayo, Miss Dela Merced. Once you ask about what happened in the past, I'll fire you and you don't have any choice but to leave this house with your son. Do you understand?" Wala akong nagawa kung hindi ang marahang tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. Muli siyang bumuntong hininga. "Go to your room and sleep. Do you even know how important rest is?" dagdag niya.
Hindi ko kaagad naintindihan ang tanong niya dahil nakatingin ako sa mukha niya ngunit nang muli siyang tumingin sa akin at tinaasan ako ng kilay ay saka lamang ako bumalik sa reyalidad. Mabilis akong tumayo at nagbaba ng tingin. "P-Pasensiya na ulit, Sir," nahihiyang sambit ko. "G-Good night ho."
Dali-dali akong tumalikod at hindi na siya hinintay pang makapagsalita muli. Lakad-takbo ang ginawa ko para lang mabilis na makalayo sa puwesto niya. Nang masigurong hindi na niya ako nakikita ay saka ko sinapo ang aking dibdib para pakalmahin ang aking sarili.
Malakas akong bumuntong hininga matapos ang ilang minuto. Laking pasasalamat ko dahil kahit papaano ay kumalma na ako at nakakahinga na nang maluwag. Kahit na nangako na ako kay Sir Preston kanina na hindi na ako kailanman magtatanong tungkol sa asawa niya, hindi ko pa rin mapigilang magtaka kung sino at nasaan na ito.
"Ano kayang nangyari sa kanilang dalawa?" Wala sa sariling tanong ko sa aking sarili.
Napailing na lamang ako at nagpatuloy na sa paglalakad papunta sa silid namin ni Jarvis. Speaking of Jarvis...
Tumigil ako sa paglalakad habang nakakunot ang noo nang maalala ang sinabi sa akin ni Sir kanina. Sabi niya kanina, curious siya sa kung sino ang tatay ni Jarvis? Bakit naman?
If you find any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.
Report