Pancho Kit Del Mundo -
[21] Terenz Dimagiba
Sabi nila kapag nakikita mo raw ang taong mahal mo na nasasaktan, triple ang sakit na bumabalik sa iyo. Dati hindi ko lubusang maintindihan iyon. Pero ngayon, habang nakikita ko siyang umiiyak at nasasaktan, naiintindihan ko na. Sobrang sakit ng dibdib ko habang tinatanaw siya. Ganito ba talaga ang nagmamahal? Kung ganito nga, ayoko na lang maramdaman. Lalo pa at nasasaktan siya dahil sa taong labis niyang mahal at hindi naman ako iyon. Nakita at narinig ko lahat, simula sa nag-usap sila hanggang sa tinalikuran ni Sir Ellie si Sir Pancho. Nakita ko lahat iyon mula sa kinatatayuan ko. Gusto kong pigilan si Sir Ellie, pero nangako ako sa kaniya.
Isa ako sa mga nag-ayos ng sorpresa na ito ni Sir Ellie. Dahilan din ito kung kaya hindi ako nakasama sa trabaho ni Sir Pancho ngayong araw. Ilang beses akong nagdalawang-isip kung itutuloy ko ba, pero sa disperadong pakiusap ni Sir Ellie sa akin ay wala na akong nagawa.
Buong araw ay lutang ako. Iniisip ko kung paano ang mayabang at salbahe kong amo ay masaktan. Alam ko hindi talaga naging mabuti ang pakitutungo niya sa akin, pero klaro na sa akin ang puwang niya rito sa puso ko. Hindi ko rin alam kung kailan o papaano, basta naramdaman ko na lang isang araw na kapag malapit siya ay bumibilis ang tibok ng puso ko.
Hindi ko na natiis ang aking sarili at kusa siyang nilapitan. Kahit yabangan o alipinin niya pa ako buong araw basta lamang masaya siya at hindi nasasaktan, ayos na ako roon. Hindi 'yung ganito.
"Nandito lang ako, Sir Pancho," ang mga salitang namutawi sa aking bibig habang yakap siya.
Noong yumakap siya pabalik ay mas humigpit ang yakap ko sa kaniya. Ramdam ko ang pag-alog ng mga balikat niya at ang mainit na tubig na pumupuno sa aking balikat. Hinaplos ko ang kaniyang buhok. Tiningala ko ang madilim na kalangitan at hindi ko alam kung bakit nahawa ako sa iyak niya. Kung masasaktan lang din pala siya ng ganito, sana mas pinigilan ko na lang si Sir Ellie. Kahit ano pa ang rason niya, sana pala hindi na lang ako pumayag sa gusto niya. "I have a favor to ask you," ang sabi niya sa harap ko.
Ang kamay niyang nakahawak sa akin ay malamig at nanginginig. Ang mga mata niya, bagama't walang mga luha na pumapatak ay nanunubig. May kakaibang sakit doon na hindi ko aakalaing makikita ko sa maamo at masiyahin niyang mukha. Ano kaya itong pabor na hinihingi niya sa akin? Bigla akong kinabahan.
"A-Ano po iyon, Sir?"
Ngumiti siya ng pilit sa aking harapan. "Kapag umalis ako, will you take care of Pancho?"
Natigilan ako sa narinig. Hindi ako nakasagot kaagad. Tinitigan ko siya na tila ba naghahanap pa ako ng kasagutan mula sa kaniya. Bakit? Alam kong trabaho ko ang alagaan at pagsilbihan si Sir Pancho, pero para bang sinasabi niya sa akin na ako na ang bahala dahil hindi na siya babalik pa.
"B-Bakit po? Anong ibig mo p-pong sabihin?"
"Just promise me, Terenz. Please take good care of him. I love him so much." Tuluyan na siyang umiyak sa aking harapan na nagpagulat sa akin. "It's hard to leave where my heart wants to stay, but I have to. I have to leave him for good so I could protect him. Promise me, Terenz. And please keep this promise from Pancho."
Hindi ko alam kung bakit sinasabi ni Sir Ellie noon na kailangan niyang iwan si Sir Pancho para protektahan siya. Ang alam ko lamang ay hindi na siya babalik pang muli. Kailangan ba talaga niyang iwan si Sir Pancho ng ganito? Ganoon ba kabigat ang problema na kailangan nilang humantong sa ganito?
Kahit may nararamdaman ako para kay Sir Pancho ay hindi ko naman hiniling na masaktan siya ng ganito. Alam kong pareho silang nasaktan sa nangyari na ito sa kanila, kaya hindi ba maaari na ibalik na lang ang oras na pareho pa silang masaya?
Planning your weekend reading? Ensure you're on 05s.org for uninterrupted enjoyment. The next chapter is just a click away, exclusively available on our site. Happy reading!
Malungkot kong tinitigan si Sir Pancho na ngayon ay nakahiga na sa sarili niyang higaan at payapang natutulog. Naglasing kasi siya kanina na kinailangan pa namin siyang pagtulungan na i-akyat sa kaniyang kwarto. Sina Nanay na nagligpit ng kalat ni Sir sa sala ay puno rin ng katanungan. Gulat daw sila nang umalis na lang bigla si Sir Ellie bitbit ang mga bagahe niya na walang ibang sinabi. Hanggang sa naglasing si Sir Pancho. Tinikom ko na lang muna ang bibig ko dahil ayaw ko pang pag-usapan.
Bumuntonghininga ako at lalabas na sana ako sa silid niya nang maramdaman ko ang isang kamay na pumigil sa sarili ko ring kamay. Gulat akong lumingon sa pwesto ni Sir Pancho na mulat ang dalawang mga mata at seryoso na nakatingin sa akin! Kahit madilim ang kaniyang silid dahil ayaw niyang natutulog na may nakabukas na ilaw, ang liwanag naman mula sa labas ay dahilan para maaninag ko ang kaniyang mga mata.
"Don't go." Namamaos ang kaniyang boses, marahil mula sa pag-iyak at sa kalasingan. "Stay with me."
Pakiramdam ko ay natunaw ang aking puso sa pakiusap niya na iyon. Parang takot na takot siya. Takot siya na maiwanan muli.
Bumuga ako ng hininga at naupo sa gilid ng kaniyang kama. Natigilan lamang ako noong sumiksik ang ulo niya sa aking tiyan at yumakap sa aking bewang. Ngayon ko lamang siya nakita na parang bata na ganito. Hindi ko maiwasang kuhain ang momento na ganito kalapit sa kaniya, habang siya ay nasa ganitong kalagayan. Ang kailanganin niya ako ng ganito ay nagbigay ng kaunting saya sa akin. Mali bang maramdaman ito?
Hinaplos ko ang kaniyang buhok at namutawi ang mahihina niyang hilik. Sana bukas ay hindi na siya umiyak. Alam ko na kapag nasaktan ang isang tao ay matagal mawala iyon, pero kahit sana wala nang luha na lumabas sa kaniyang mga mata. Kahit iyon lang.
Tutuparin ko ang ipinangako ko kay Sir Ellie. Tutulungan ko rin si Sir Pancho na makalimot sa sakit. Aalagaan ko siya kagaya ng bilin sa akin ni Sir Ellie. Kung kakailanganin man niya ako ng ganito para makalimot, ibibigay ko. "Ellie..." dinig ko na bulong niya mula sa pagkahihimbing.
Naikagat ko ang aking ibabang labi.
"Kung pwede ko lamang kuhain ang sakit diyan sa puso mo ngayon din. Hindi ko alam na masasaktan ako ng ganito na makita kang nasasaktan ngayon," kausap ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung tama bang tanggapin na sa aking sarili itong nararamdaman ko para sa kaniya. Pero may parte sa puso ko na sumisigaw na sana ako na lang. Na sana kung makalimot siya at magmahal muli, sana ako na lang. Sa naisip ay nagulat din ako.
"Masama 'yan, Terenz!" pangaral ko sa aking sarili.
Hindi ko napigilan ang aking sarili at yumakap sa kaniya. Kinulong ko siya sa aking mga bisig na tila pinoprotektahan ko siya sa ano mang pwede pang makasakit sa kaniya. Sa punto na iyon ay napagtanto ko na delikado na ang puso ko sa taong yakap ko. Ito na siguro ang sinasabi nila na hindi mo mapipili ang taong mamahalin mo dahil magkukusa iyon.
Balang araw kaya, masasaktan din ako ng ganito dahil sa pagmamahal?
If you find any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.
Report