Hindi ako kaagad nakapag-react sa sinabi ni Sir Preston dahil naka-focus ako sa ekspresyon niya sa mukha. Alam ko na naman noon pa na hindi talaga siya 'mabait' at minsan ay nakakatakot lalo pa kapag wala siya sa mood o kaya naman ay kapag may problema siya.

Pero ngayon, masasabi kong mas matindi ang galit niya dahil sa panlilisik ng mga mata niyang nakatingin sa estrangherong lalaki na hindi ko na natandaan pa ang pangalan dahil hindi naman ako nag-abala pang tandaan. Mahinang tumawa ang lalaki at itinaas ang kaniyang dalawang kamay na animo'y sumusuko kay Sir Preston ngunit hindi pa rin naaalis ang mapaglarong ngisi sa kaniyang labi. "Chill. Ano ka ba naman, masyadong mainit ang ulo mo," tila nang-aasar pang sabi niya kay Sir Preston.

"Talagang iinit ang ulo ko kapag nakikita ko 'yang pagmumukha mo."

Natahimik ako at hindi na nagtangka pang awatin sila dahil mukha namang kaya na ni Sir Preston ang sarili niya. Hindi rin naman ako tanga para hindi mapansin na ginagamit lamang ako ng estrangherong lalaki para inisin si Sir Preston subalit hindi ko alam kung bakit gumagana nag pang-iinis niya.

"I'm just asking her name, is it bad?"

Bumuntong hininga si Sir Preston at mas hinigpitan pa ang hawak sa aking baywang kaya't muli akong napalunok sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Para akong kakapusin ng hininga sa bawat paghaplos niya sa baywang ko kaya naman wala sa sarili akong nagbaba ng tingin para kumalma.

"And her name is not your fucking concern," seryosong sambit ni Sir Preston. Bahagya naman akong napaigtad nang igalaw niya ang ilang daliri sa aking baywang. Nang tingnan ko siya ay mukhang hindi niya naman napapansin ang ginagawa niya. Sa paraan ng paghaplos niya, para bang pinipigilan niyang ikuyom ang kaniyang kamao kaya't pinaglalaruan niya ang aking baywang at itinataas-baba ang kaniyang daliri roon.

Mabuti na lamang talaga at wala akong kiliti sa baywang dahil kung mayroon, baka kanina pa ako nagtitili rito.

Muling tumawa ang lalaki at nagkibit balikat kay Sir Preston. "I told you to chill, didn't you? Ano ka ba naman, nagsisimula pa lamang ang party, sobrang init na ng ulo mo sa akin. Mahaba pa ang gabi, Tejada," sambit ng lalaki bago muling sumulyap sa akin.

"Mahaba pa ang gabi, right, Miss?" dagdag niya bago ako kinindatan at nginisian.

Hindi ko na naman napigilan pang mapangiwi dahil hindi rin naman ako tanga para hindi maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Eh gago pala siya. Mayaman na siya niyan?

"Just leave my territory, Destura. Hindi porque umayaw na sa 'yo 'yong Fontanilla, sa akin naman ang gagalawin mo," mariing sambit ni Sir Preston sa lalaki. "Don't you go fucking near her or else ako ang makakaharap mo, maliwanag? You know my doings whenever I'm mad, right?"

Agad na kumunot ang noo ko matapos marinig ang sinabi ni Sir Preston. Taka akong tumingin sa kaniya ngunit hindi siya nakatingin sa akin at hanggang ngayon ay nakikipagsukatan pa rin ng masamang pagtitig sa lalaking kaaway niya. Hindi pa pala siya galit sa lagay na 'to?

Humugot ng marahas na buntong hininga si Sir Preston at muling pinasadahan ng tingin ang lalaki bago niya ako iginaya palayo. Mabibigat ang bawat hakbang naming dalawa habang naglalakad palayo kaya't hindi ko mapigilang kabahan sa kung anong susunod na gagawin niya,

Nang kahit papaano ay makalayo na kami sa mga tao ay saka siya tumigil sa paglalakad. Peke naman akong umubo kaya't humarap siya sa akin.

"Yong ano S-Sir... 'yong k-kamay mo sa baywang ko," mahina at nahihiyang sambit ko.

Mukhang napansin naman iyon ni Sir Preston at agad na inalis ang pagkakahawak niya sa aking baywang. Bumuntong hininga siyang muli at hinilot ang kaniyang sintido.

"Fuck. Bringing you here really caused me that much trouble, huh? Sinasabi na nga ba," mahinang reklamo niya.

Hindi ko naman mapigilang mapalabi dahil sa sinabi niya. Ingles man iyon pero naintindihan ko naman kung ano ang ibig niyang sabihin. Mahirap lang ako pero hindi naman ako ganoong kaignorante.

"Sir, ikaw ang nag-alok sa akin na magpanggap na girlfriend mo. Hindi ko naman inalok sa 'yo ang sarili ko, ano," reklamo ko rin sa kaniya at naiinis na umismid.

Inayos ko ang suot kong damit nang humarap siya sa akin ngunit muli na naman akong nakarinig ng mura mula sa kaniya. Napailing na lamang ako. Hindi niya naman ako minumura at mukhang sarili niya ang minumura niya kaya't hindi ko na iyon pinansin pa.

Muli siyang nagpakawala ng malakas na buntong hininga. "That's not what I mean," kalmadong sambit niya kaya't muli na akong tumingin sa kaniya.

"Eh sabi mo, mali ang desisyon mo na pasamahin ako sa 'yo-"

"Hindi nga ganoon," pagputol niya sa dapat na sasabihin ko. "You're not the problem, all right? I am not blaming you for what happened." Awtomatikong umarko ang kilay ko dahil sa sinabi niya. "Weh?"

"Hindi nga ikaw-"

"Oh eh bakit parang galit ka ngayon?" Naiinis na tanong ko nang hinilot niyang muli ang sintido na para bang naiinis siya sa akin.

Umiling siya. "Hindi nga sabi. Kulit," giit niya pa.

Umismid ako at nag-iwas na lamang ng tingin sa kaniya. "Ako pa pala ang makulit sa lagay na 'to," mahinang bulong ko pero medyo malakas pa rin at sapat para marinig niya ang sinabi ko.

Haharap na sana ako ulit sa gawi niya ngunit naunahan na niya ako nang walang pasabi niyang ipatong ang suot na tuxedo sa balikat ko. Gulat ko naman siyang tiningnan dahil hindi ko man lamang napansin na hinubad na niya pala ang suot niya at tanging ang polo shirt at neck tie na lamang ang natira.

Umubo siya at tiningnan ang suot na wrist watch. "Cover yourself whenever I'm not beside you. Kailangan ko ng umakyat sa stage at magbigay ng speech," sambit niya.

Kahit na naguguluhan at gulat pa rin ako sa ginawa niya, wala akong ibang nagawa kung hindi ang marahang tumango bilang pagsang-ayon. Peke akong umubo at inayos ang damit niya na nakabalabal sa katawan ko. "Susunduin ko na ba si Ma'-I mean, Chantal pala? Magsspeech na rin ba siya ngayon?" tanong ko sa kaniya.

Hindi siya tumingin sa akin at sa halip ay marahan na lamang na tumango. Kaswal naman akong nagkibit balikat at tuluyan nang tumalikod sa kaniya. Hindi na ako lumingon pa sa kaniya dahil baka mamaya, may hindi pa ako magawa na hindi ko naman talaga dapat gawin.

Habang naglalakad upang hanapin sina Jarvis at Chantal, muli akong napalunok nang muling maramdaman ang pagkakahawak ni Sir Preston sa aking baywang. Alam kong nag-iimagine lamang ako pero na nararamdaman ko ang kamay ni Sir Preston pero hindi ko pa rin maiwasang mapaigtad dahil sa gulat.

Nagtagpo ang aking mga kilay bago marahang umiling upang alisin sa isip ko kung ano man ang nangyari kanina. Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako kung bakit iyon ginawa ni Sir Preston kanina pero wala namang makakasagot ng tanong na iyon kung hindi siya.

Inayos ko ang suot kong tuxedo para mas matakpan ang suot ko habang lumilinga-linga sa paligid upang hanapin sina Jarvis. Wala sa sarili akong napatingin sa suot kong damit at napaismid dahil sa inasal kanina ni Sir Preston. Siya ang pumili ng damit na 'to tapos reklamo siya nang reklamo kung bakit daw ganito ang suot ko. Nakainom na nga yata siya, e.

"Manang Lerma!"

Lakad takbo ang ginawa ko para makalapit kay Manang Lerma nang makita ko siya sa may labas ng bahay. May dala siyang tray na may lamang ilang baso ng alak kaya naman sinenyasan ko siya na ako na lamang ang lalapit dahil baka matapon pa ang dala niya.

"Lyana 'neng, bakit? Bakit ka naman tumakbo? Kapag nadapa ka p—"

"Sina Jarvis at Chantal po, nasaan?" pagputol ko sa tanong niya habang lumilinga sa paligid. Nagmamadali na rin ako dahil narinig ko na ang boses ni Sir Preston sa microphone. Mukhang iwinewelcome na niya ang mga bisita kaya't alam kong susunod na ang pagsspeech na Chantal.

Kunot noo akong tiningnan ni Manang Lerma nang magtagpo ang aming mga mata. Taka ko naman siyang tiningnan dahil sa ekspresyon ng mukha niya.

"Si Chantal po?" tanong kong muli. "Di ba ho sinundo niyo para pakainin?"

"Ha? Eh kanina pa sila nakaalis ni Jarvis. Kaunti nga lang ang kinain, e. Akala ko ay kasama niyo?"

Agad akong natigilan matapos marinig ang sinabi niya. Kasama namin? Mabilis akong umiling bilang tanda ng hindi pagsang-ayon sa sinabi niya. "Po? Hindi ho, Manang. Kami lang ni Si-Pretson pala ang magkasama. Kanina ko pa ho hindi nakikita sina Jarvis at Chantal dahil abala kami ni Preston kanina saka akala ko ho ay kasama niyo at pinapakain," pagtanggi ko.

"Ah, baka sumama roon sa mga bata kanina. Nasa may kaliwang bahagi ng garden, may mga bata roong nakabukod na isinama ng mga magulang nila. Baka kalaro nila roon sina Ma'am Chantal at Jarvis."

Tila nakahinga ako nang maluwag nang marinig ang sinabi ni Manang Lerma. Akala ko naman ay nakidnap na o kung ano sina Jarvis. Paranoid na kung paranoid pero ano bang magagawa ko? Ako pa rin ang masisisi kapag bigla na lamang nawala si Ma'am Chantal... at si Jarvis na rin, dahil ako ang nagbabantay.

"Salamat ho. Puntahan ko lang po saglit," pagpapaalam ko kay Manang Lerma at tipid siyang nginitian.

Tinanguan lamang ako ni Manang Lerma kaya't tuluyan na akong nagpaalam at naglakad patungo sa kaliwang bahagi ng garden. Nasa may kanan ako kaya't sigurado akong daraanan ko pa rin ang puwetso ng estrangherong lalaki kanina. Muli naman akong nakahinga nang maluwag dahil wala na roon ang lalaki at mukhang nasa may harapan na dahil nagsspeech na si Sir Preston doon. Gusto ko pa sanang makinig sa speech niya pero hindi ko na iyon binigyan pa ng pansin dahil mas mahalaga na mahanap ko sina Chantal at Jarvis kaysa sa pakikinig ng speech niya na puro Ingles naman.

Dali-dali akong lumapit sa umpok ng mga bata na nasa may kaliwang bahagi ng garden nang makarating ako roon. Hindi ko maiwasang mapangiwi dahil halos mukhang napakaraming Chantal na bata ang nakita ko. Mukhang mga matapobre at maarte kaya't hindi ko maiwasang mapabuntong hininga.

Kung narito nga si Jarvis, baka sumakit na ang ulo niya.

"U-Uh, hi!" Lumapit ako sa isang nanay na nakaupo kasama ang anak niya. Wala sa sarili naman akong napahakbang papalayo nang humarap siya sa akin. Mukha siyang.... Matapobre. "Yes?"

Kinagat ko ang aking ibabang labi at sinubukang ikalma ang aking sarili dahil sa arte ng boses nito. Mukhang hindi niya nagustuhan ang paglapit ko sa kaniya.

If you're loving the book, nel5s.org is where the adventure continues. Join us for the complete experience-all for free. The next chapter is eagerly waiting for you!

Tipid ko siyang nginitian. "Tanong ko lang sana kung nakita mo si Chantal? Chantal Tejada? 'Yong anak ni Preston Tejada. Naka-braid ang buhok niya tapos may kasamang batang lalak—" "Wala akong alam," pagputol niya sa sasabihin ko at nag-iwas na ng tingin sa akin.

Ilang beses akong napakurap dahil sa inasal niya. Hindi pa ako tapos sa pagsasalita pero hindi kaagad ang isinagot niya sa akin.

Tumingin ako sa kasamang babae ng matapobreng babaeng nilapitan ko ngunit binulungan lamang siya nito. Hindi ko alam kung kaninong girlfriend o asawa siya pero hindi ko mapigilang kabahan at magtaka dahil sa tingin nila sa akin. Akmang ililibot ko na ang paningin ko sa lugar dahil baka makita ko sina Jarvis at Chantal ngunit aksidente kong nakita ang hawak na hairclip ng bata na kasama ng matapobreng babae na pinagtanungan ko kanina Nagsalubong ang kilay ko dahil pamilyar ang hawak niyang hairclip. Alam ko kung kanino iyon. Alam na alam.

Lumakad akong muli palapit sa batang may hawak ng hairclip ngunit hindi pa man ako nakakapagsalita ay hinarangan na ako ng nanay niya. Nag-angat ako ng tingin sa matapobreng babae na nakausap ko kanina ngunit tinaasan niya lamang ako ng kilay.

"What do you need?" Mataray na tanong niya sa akin.

Humugot ako ng malalim na buntong hininga bago ako nag-angat ng tingin sa kaniya. "Tatanungin ko lang sana 'yang batang kasama mo kung kanino ang hawak niyang hairclip "

"That hairclip belongs to her," muling pagputol niya sa sasabihin ko kaya't kinagat ko ang aking ibabang labi upang ikalma ang aking sarili. Unti-unti na akong naiinis sa kaniya pero ayaw kong gumawa ng gulo kaya't sinubukan kong kumalma.

"Tatanungin ko lang naman kasi baka nakita niya si Chantal. Suot kasi ni Chantal ang hairclip na 'yon kanina kaya_"

"Wala nga rito ang batang iyon. Why are you so persistent? Nakikita mo ba rito?" Inilibot niya ang mata sa paligid bago nagkibit balikat sa akin. "Wala 'di ba?"

Sa huli, wala akong nagawa kung hindi ang malakas na bumuntong hininga dahil mukhang wala naman akong mapapala kung pipilitin ko pa siya na sabihin kung nasaan sina Chantal at Jarvis kahit na tingin ko ay may alam sila ngunit ayaw lamang sabihin sa akin.

Peke ko siyang nginitian. "Sige, mauna na ako. Salamat sa..." Pasimple akong umirap. "... sa tulong mo."

Inismiran niya lamang ako kaya't akmang tatalikod na ako para umalis sa lugar na iyon dahil baka nasa loob lang naman pala ng bahay sina Chantal at Jarvis.

Hahakbang na sana ako palayo ngunit agad akong naestatwa sa aking kinatatayuan nang may marinig na impit na iyak na nanggagaling sa...

Muli akong lumingon sa gawi ng nakausap kong babae kanina at sa anak nito ngunit tinaasan niya lamang ako ng kilay. Sunod namang bumaling ang tingin ko sa may bodega na nasa gilid ng hardin. Madilim sa parteng iyon kaya naman hindi ko na napansin kanina ngunit dahil muli akong lumingon ay doon napunta ang aking atensiyon lalo pa't....

Lalo pa at may narinig akong impit na iyak mula sa loob niyon.

---

Follow our Telegram channel at https://t.me/findnovelweb to receive the latest notifications about daily updated chapters.
Tip: You can use left, right keyboard keys to browse between chapters.Tap the middle of the screen to reveal Reading Options.

If you find any errors (non-standard content, ads redirect, broken links, etc..), Please let us know so we can fix it as soon as possible.

Report